History and Culture

Libutin ang Pilipinas Kasama ang Kaibigang Lamanlupa

Choose Philippines
Choose Philippines | Nov 25, 2015
Libutin ang Pilipinas Kasama ang Kaibigang Lamanlupa

Bago pa man dumating ang mga Kastila at pinalaganap sa Pilipinas ang relihiyon ng Katolisismo, hitik na sa kultura at tradisyon ang ating katutubong lipunan. Marami nang kamangha-manghang mga kuwento ang mga Filipino. Kasama na rito ang mga kagila-gilalas na mga lamanlupa, aswang, halimaw, at mga diwata. Maliban sa iisang makapangyarihang nilalang, may mga bathala at anito ring pinaniniwalaan na nangangasiwa ng iba't ibang elemento o nakatuon sa iba pang pangangailangan ng mga tao.

Dahil na rin sa mayroon tayong higit pitong libong mga isla, hindi maikakaila na maraming paniniwala na rin ang nabuo sa bawat pangkat at rehiyon. Ang bawat katutubong grupo o pangkat etnolinggwistiko ay may sarisariling mga nilalang na kinatatakutan, inaalayan, at dinadasalan.

Sa unang bahagi ng seryeng ito, bigyan-pansin natin ang ilan sa mga lamánlupà ng Pilipinas.

 

Ang mga lamánlupà ay mga nilalang na nakatira sa ilalim ng lupa, sa punso, o sa mga punong tulad ng balete. Hindi sila basta-basta nakikita ng mga tao, sapagkat karaniwang nasa anyong espiritu o elemental. May paniniwalang mga lamánlupà ang nagmamay-ari sa lupain ng daigdig at sa kailaliman nito kaya nag-aalay ang mga tao sa kanila kapag panahon ng pagtatanim at ng anihan.

Hindi basta-basta nananakit ang mga lamánlupà, maliban kung nagambala sila o nasira ang kanilang tirahan. Ito rin ang dahilan kaya binibigkas ng mga tao ang "tabi-tabi po" kapag nagagawi sa masusukal o di kilalang lugar.

Puno ng balete sa Isla ng Talikud sa Davao del Norte
(Retrato mula kay Ida Damo)

 

1) Alán 

Sa mga Tinggian at Isneg, ang alán o arán ay lamanlupang may wasak na anyo at naninirihan sa kagubatan o sa mga bukal. Bumibitin ito nang patiwarik sa mga sanga ng puno tulad ng mga paniki. May pakpak at balat itong singkapal ng sa kalabaw. Nakabaligtad ang mga daliri nito sa kamay at paa kaya't nakakikilabot tingnan.

Guhit ni Stephen Prestado,
"101 Kagila-gilalas na Nilalang" (Adarna House, 2015)

Kung minsan ay nagpapalaki ang alán ng batang nagmula sa dugo ng ipinagbubuntis na sanggol na hindi nabubuhay. Minsan naman ay kumukuha ito ng sanggol na kasisilang pa lamang. Pinalalaki nito ang bata at itinitira sa bahay na gawa sa ginto. Kapag nalaman ng bata ang totoo nitong pagkatao ay iniiwan nito ang alan at umuuwi sa totoong mga magulang, dala ang mga ginto.

Matatagpuan ang mga Tinggian sa hilagang-kanlurang bahagi ng Luzon. Ang pangalan ng tribong ito ay halaw sa lugar kung saan sila nagmula, sa gilid ng Ilog Tineg sa probinsiya ng Abra. May ilang grupo rin na matatagpuan sa Ilocos Sur at may malapit na relasyon sa mga Ilokano lalo pa't ang Tineg ay nakadugtong sa Ilog Abra na dumadaloy pakanluran sa Cervantes, Ilocos Sur. 

Sitio Panaclisan, Licuan-Baay, Abra
(Retrato mula kay Edmar Guquib)

BASAHIN DIN: 8 Exotic Destinations in Abra for Adventurers

 

2) Masíken

Sa mga Igorot, si Masíken ang tagapagbantay sa kailaliman ng lupa, na pinaniniwalaan ding mundo ng mga yumao. Tinatawag din siyang Yumogyog ng mga Ifugaw. Naninirahan siya sa mabatong bahagi ng ilog o gubat, na bahagi ng kailaliman. Dahil sa kaniyang kapangyarihan, itinuturing na bathala si Masíken ng ibang mga lamanlupa.

Guhit ni Kat Matias,
"101 Kagila-gilalas na Nilalang" (Adarna House, 2015)

Nagsasagawa ng ritwal na tinatawag na ampasit ang mga Igorot para kay Masíken. Nag-aalay sila ng manok o iba pang hayop kay Masíken upang hindi nito kunin ang maysakit, at sa halip ay pagalingin ito.

Ang pangkat etnikong Igorot ay isang kolektibong katawagan sa mga taong naninirahan sa kabundukan ng Cordillera. Kasama na rito ang mga probinsiya ng Abra, Apayao, Benguet, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, at ilang bahagi ng Nueva Vizcaya. May limang grupong etnolinggwistiko ang mga Igorot: ang mga Bontoc ng Ilog Chico, ang mga Ibaloi ng katimugang bahagi ng Benguet, ang mga Isneg ng hilagang bahagi ng Apayao, ang mga Kalinga, at ang mga Kankanaey ng kanlurang bahagi ng Mountain Province, hilagang bahagi ng Benguet, at timog-silangang bahagi ng Ilocos Sur.

Minalungao National Park, Nueva Ecija
(Retrato mula kay Lucky Tinio)

 

Ang bulubundukin ng Cordillera

BASAHIN DIN: Closer to Heaven: The Hanging Coffins of Sagada

 

3) Daligmatá

sa sinaunang lipunang Bisaya, ang daligmatá ay isang uri ng lamanlupa na anyong hayop, puno ng malalaki at nagniningning na mga mata, at sa gabi lamang nakikita. Sa ibang pagkakataon, tumutulong ito upang hanapin ang ilang nawawalang bagay. Tumutulong din ang daligmatá sa ritwal na gudguden, upang pagalingin ang maysakit at ninakawan ng kaluluwa.

Guhit ni Stephen Prestado,
"101 Kagila-gilalas na Nilalang" (Adarna House, 2015)

Sa ibang pagkakataon naman, mismong ang daligmatá ang nagnanakaw sa kaluluwa ng isang taong nananaginip. Nagagawa ito ng daligmatá sa pamamagitan ng pagkanta.

Ang Visayas ang isa sa tatlong pinakamalalaking rehiyon ng Pilipinas. Ang mga malalaking isla ng Panay, Negros, Cebu, Bohol, Leyte, at Samar ang bumubuo rito.

Isla ng Boracay sa Aklan
(Retrato mula kay Erwin Ligue)

 

Chocolate Hills, Bohol
(Retrato mula kay Christa I. De La Cruz)

BASAHIN DIN: Through the Travel Insider's Lens: Visayas Destinations You Should Visit Today!

 

4) Tamáwo

Sa mga Hiligaynon, ang tamáwo ay isang mahiwagang nilalang na walang kanal ang pagitan ng ilong at bibig. Mayroon din itong tigádlum o mahiwagang kapangyarihang maging imbisible. Naninirahan ito sa punongkahoy na tulad ng lonok o nunuk. Maaari umanong makipag-usap sa tamáwo sa pamamagitan ng pagtugtog ng tulali. Nakikita lamang ang tamáwo ng mga taong gusto nitong pagpakitahan.

Guhit ni Mico Dimagiba,
"101 Kagila-gilalas na Nilalang" (Adarna House, 2015)

Hindi likas na masama ang tamáwo, bagaman madalas na mapaglaro. Dinadakip nito ang mga bata o magagandang dalaga at inaalok ng pagkain. Kapag kinain ng bihag ang inalok, nagiging kamukha nito ng tamáwo. Ngunit kapag tumanggi, ibinabalik ng tamáwo ang bata o dalaga sa pinagkuhanan niya rito, pagkalipas ng tatlo o apat na araw.

Maaari ding mag-anyong hayop ang tamáwo, tulad ng aso o kalabaw. Subalit madaling matukoy ang tamáwo sapagkat mas malaki ito kaysa karaniwan, bukod pa sa mas mabilog ang mga mata, at mas mahaba ang mga daliri at kuko sa paa.

Ang katutubong Hiligaynon o Ilonggo ay nagmula sa kapatagan ng Panay. Sa ngayon, sila ay matatagpuan sa Iloilo, Negros Occidental, Guimaras, Capiz, South Cotabato, at Sultan Kudarat. 

The Ruins, Bacolod, Negros Occidental
(Retrato mula kay Phos Graphi)

 

Church of the Angry Christ, Victorias City, Negros Occidental

BASAHIN DIN: Your DIY Guide to the City of Smiles

 

Alamin ang iba pang kuwento ng kababalaghan sa Pilipinas sa aklat na "101 Kagila-gilalas na Nilalang" (Adarna House, 2015) ni Edgar Calabia Samar.

 

(Ang pagsasalarawan sa lahat ng nilalang ay sa panulat ni Samar.)


Iba Pang Kagila-gilalas na Nilalang
Tuparin Kaya ng mga Diwatà ang Iyong Hiling?

 

Add to your: Wishlist Done That

Be a Pinoy Wanderer!

Choose Philippines encourages writers, photographers, travelers, bloggers, videographers and everyone with a heart for the Philippines to share their discoveries and travel stories.

Share Your Journey

Other Stories by Choose Philippines

Tell Us What You Think